Antique, Philippines — Isa ang araw ng pagtatapos sa mga pinakaimportanteng araw at yugto, hindi lamang para sa mga mag-aaral na nagsipagtapos, kundi maging para sa kanilang mga magulang na iginapang ang kanilang pag-aaral.
Ngunit sa isang paaralan sa Antique, ang araw na para dapat sa pagdiriwang ng tagumpay ng mga nagsipagtapos, napalitan ng alitan dahil sa hindi pagkakaintindihan.
Ang masaklap pa, ang puno ng paaralan pa ang syang tila humablot at pumutol sa kasiyahan at selebrasyon ng mga mag-aaral na inabangan at pinaghandaan ang kanilang graduation day.
“I don’t want to see anybody with your togas, because it is not in the order. And I want the class advisers to write the names of those who violated,” saad ng principal sa isang graduation ceremony sa isang Senior High School sa Laua-an, Antique kung saan pinahubad ng principal ng paaralan ang mga suot na toga ng mga magsisipagtapos.
Sa viral video ng insidente, iginigiit ng Principal na ang pagsusuot ng mga mag-aaral ng toga ay labag sa patakaran ng Department of Education patungkol sa pagdaraos ng graduation.
Ang tinutukoy na polisiya, patungkol sa simpleng pagdaraos ng graduation at ang “no collection” policy bilang konsiderasyon sa mga pamilyang hindi kakayaning tustusan ang anumang dagdag na gastusin para sa isang “bonggang” graduation.
Sa pagpapatuloy ng video, tumaas ang tensyon nang isang guro na ang kumausap sa Principal upang payagan na ang mga estudyante at huwag nang ipahubad pa ang toga.
May ilan na ring mga estudyante ang sumigaw at minura pa ang principal.
Kasunod ng video na nagviral sa social media, nagpahayag naman ng pagkadismaya ang DepEd dahil nauwi sa ganoong tagpo ang dapat sana’y magandang ala-ala para sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang.
Nilinaw din ng DepEd na wala namang polisiya ang ahensya na nagbabawal sa pagsusuot ng toga, at na ang nakalagay sa polisiya ay casual, formal, o kaya ay school uniform na paparesan ng toga o sablay na optional.
Nagkasa na rin anila sila ng imbestigasyon upang mas maging malinaw ang naging insidente at panagutin ang kailangang panagutin.
Sa isang press briefing naman ngayong Biyernes, kinumpirma ng Malacañang na sinibak na ang nasabing principal sa pwesto.
“Dahil na rin po sa naging direktiba ng Pangulo, agaran pong kumilos ang ating DepEd secretary Sonny Angara, at ang sinasabing guro ay tinanggal na po bilang principal,” ani Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Atty. Claire Castro.
Nilinaw naman naman ni Castro na tinanggal lamang ang nasabing principal sa pwesto, ngunit lisensyado pa rin ito.
Ibig sabihin, maaari pa rin itong magturo sa ibang paaralan.
“Allowed pa rin po sya, at syempre, titingnan pa rin po kung anong klase ang kanyang behavior. Kailangan po ‘yan at importante po ‘yan nilang sya ay isang guro,” dagdag ni Castro.
Dagdag ni Castro, ito pa lang sa ngayon ang mabilisang aksyon ng DepEd sa insidente, at pinag-aaralan pa kung may ipapataw pa bang sanction laban sa principal o kung sya ba ay posibleng makasuhan.