Manila, Philippines — Huwebes ng gabi nang tuluyan nang bumyahe si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos patungong Vatican City upang personal na magbigay ng respeto at dumalo sa libing ng yumaong Santo Papa Francisco.
At sa kanyang pagkawala sa bansa sa loob ng ilang araw, bumuo na si PBBM ng isang Executive Committee na sya munang mamamahala sa gobyerno habang wala sya.
Batay sa Special Order No. 424, layunin ng pagbuo ng Executive Committee ang masiguro na magpapatuloy pa rin ang serbisyo ng pamahalaan, at na may mangangasiwa pa rin sa operasyon ng Office of the President ng Ehekutibong sangay ng pamahalaan.
Ang Executive Committee, binubuo ng Executive Secretary bilang Chairperson, kasama ang mga kalihim ng Department of Agrarian Reform at ng Department of Justice bilang mga miyembro ng komite.
Lahat din ng mga ahensya ng pamahalaan ay kailangang suportahan at tulungan ang Executive Committee sa pagganap nito ng papel at tungkulin ng Pangulo.
Ang mga usapin naman na may kinalaman sa national security ng bansa, kabilang na ang may kaugnayan sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ay kailangan pa ring iakyat ng Executive Committee sa Pangulo para sa desisyon.
Epektibo ang special order mula ika-24 hanggang ika-28 ng Abril, hanggang sa makabalik ang first couple mula sa byahe nito sa Vatican city.