PUV OPERATOR NA LUMABAG SA ‘ANTI DISTRACTED DRIVING ACT,’ PINAGPAPALIWANAG

MANILA, PHILIPPINES — Hinainan ng show cause order (SCO) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang Public Utility Vehicle (PUV) Operator matapos na mahuling naka-live habang pumapasada sa pampublikong sasakyan. 

Ito matapos ma-monitor ng social media team ng LTFRB ang pagdami ng PUV drivers na nagsasagawa ng live streaming at pagiging content creator habang nagmamaneho.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang naging aksyon ng driver ay malinaw na paglabag sa Memorandum Circular 2026-050 na pinagtitibay ng Republic Act No. 10913 o mas kilala bilang “Anti-Distracted Driving Act,” na kamakailan ay inilabas ng ahensya. 

Nakasaad rin sa ilalim ng Section 2, Item No. 1 ng MC 2026-050, na ipinagbabawal sa mga drayber at operator ang ano mang uri ng pagba-vlog, content creation, social media engagement maging ang browsing, scrolling, liking, commenting, o kahit na anong paggamit ng social media applications habang nasa byahe. 

Ang mapatutunayang lumabag sa batas trapiko ay kaukulang multa na hindi bababa sa P5,000, at maaaring pagkasupinde o pagkansela ng Certificate of Public Convenience (CPC) ng PUV Operator sa sangkot. 

Sa huli, muling nagpaalala ang LTFRB sa lahat ng PUV Operators at Driver na sumunod sa mga ipinatutupad na batas trapiko. — Jen Latuga, Contributor

Share this