AKBAYAN-SJDM, NAG-PROTESTA VS. PRIMEWATER DAHIL SA ISYU NG PATUBIG

SAN JOSE DEL MONTE, BULACAN — Nagsagawa ng kilos-protesta ang Akbayan Party–San Jose del Monte City Division sa harap ng tanggapan ng PrimeWater Infrastructure Corporation sa Barangay Minuyan Proper nitong Biyernes, Hulyo 10, upang ipanawagan ang agarang aksyon sa umano’y patuloy na suliranin sa serbisyo ng suplay ng tubig sa lungsod.

Ayon kay Frank Araneta ng Akbayan SJDM, layunin ng protesta na ipahayag ang pakikiisa ng grupo sa mga residenteng nakararanas ng problema sa distribusyon ng tubig na iniuugnay nila sa umano’y napabayaang mga pasilidad ng PrimeWater.

Sa isinagawang pagkilos, nanawagan din si Vanie Apostol ng Small Entrepreneurs for Livelihood Development Association (SELDA) na alisin ang PrimeWater bilang tagapamahala ng serbisyo ng tubig sa San Jose del Monte at palitan ito ng sistemang aniya’y mas responsable at may pananagutan.

Samantala, hiniling naman ng isang grupo ng mga solo parent na mapanagot ang mga opisyal at iba pang sangkot sa umano’y kapabayaan sa pamamahala ng serbisyo ng tubig na nagdulot umano ng matinding paghihirap sa mga residente.

Hinimok din ng mga nagprotesta ang Pamahalaang Lungsod ng San Jose del Monte na ipagpatuloy ang mga hakbang upang matiyak ang tuloy-tuloy, ligtas, at maayos na suplay ng tubig para sa mga mamamayan. — Psalm Axel Perez, Contributor

Share this