15 PROBINSYA NAKARANAS NG MATINDING TAGTUYOT KAHIT WALA PANG EL NIÑO

NAKARANAS NA NG MATINDING TAGTUYOT ANG HINDI BABABA SA 15 PROBINSIYA SA BANSA KAHIT HINDI PA IDINEDEKLARA ANG PAGDATING NG EL NIÑO, AYON SA PHILIPPINE ATMOSPHERIC, GEOPHYSICAL AND ASTRONOMICAL SERVICES ADMINISTRATION (PAGASA).

Ayon sa PAGASA, ang tagtuyot ay nararanasan kapag tatlong magkakasunod na buwan na mas mababa sa normal ang dami ng ulan sa isang lugar. 

Dahil dito, mabilis na natutuyo ang lupa at naaapektuhan ang suplay ng tubig, lalo na sa mga agrikultural na lugar.

Sa gitna ng sitwasyon, nanawagan ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa pamahalaan na agad magdeklara ng National Climate Emergency upang matugunan ang lumalalang epekto ng pagbabago ng klima sa bansa.

Giit ng PMCJ, apektado ang sektor ng agrikultura, partikular ang mga magsasaka, dahil sa kakulangan ng patubig at patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon. 

Nagbabala rin ang grupo na kung hindi maagapan ang sitwasyon, maaari itong magdulot ng mas malawak na kakulangan sa pagkain at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Nananawagan naman ang grupo sa pamahalaan na magpatupad ng agarang hakbang tulad ng mas maayos na pamamahala sa tubig, suporta sa mga magsasaka, at pagpapatibay ng mga programang tutugon sa climate resilience upang mabawasan ang pinsalang dulot ng tagtuyot.

Samantala, patuloy namang minomonitor ng PAGASA ang lagay ng panahon at pinapayuhan ang publiko na maging handa sa posibleng mas matinding epekto ng tag-init sa mga susunod na buwan.

Share this