250K CUSTOMER NG MERALCO SA NCR, MAKARARANAS NG BLACKOUT

Manila, Philippines – Aabot sa 250,000 customer ng Meralco sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga kalapit na lugar ang maaaring makaranas ng power supply interruption, ito ay dahil sa nananatiling manipis ang supply ng kuryente sa Luzon at Visayas.

Sinimulan ng power distributor na Manila Electric Co. (Meralco) na ipatupad ang manual load dropping (MLD) sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga lalawigan ng Bulacan, Cavite at Rizal.

Ayon pa sa Meralco, apektado nito ang 250,000 kabahayan sa mga lugar na ito.

Ani naman ni Meralco Spokesperson at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, maaaring ipagpatuloy ng Meralco ang pagpapatupad ng isang oras na rotational power interruptions kung kinakailangan bilang bahagi ng responsibilidad nitong pamahalaan ang power system.

Hinihiling din umano ng kanilang tanggapan ang pang-unawa ng kanilang mga apektadong customer. Makatitiyak din umano ang mga ito na ganap na pamamahalaan ng Meralco ang sitwasyon at magbibigay ng mga update kung kinakailangan.

Ang grid operator na National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) ay itinaas sa red at yellow alert status sa Luzon at Visayas grids noong Huwebes na tumagal ng ilang oras.

Ayon sa NGCP, halos 40 power plants ang offline sa parehong rehiyon habang nasa 10 iba pang pasilidad ang nagbawas ng kanilang output.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share this