Manila, Philippines — Pinagtibay ng Pasig local government unit ang buong suporta nito sa pagpapalawak at pagpapahusay ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA River Ferry Service bilang alternatibong transportasyon para sa publiko.
Ayon sa pahayag ng lokal na pamahalaan, patuloy nitong ipinagagamit sa operasyon ng ferry service ang mga bangkang M/B Mutya ng Pasig 1 at 2 upang makatulong sa mas maayos na biyahe ng mga pasahero sa kahabaan ng Pasig River.
Kasabay nito, inanunsyo rin na bibili pa ang MMDA ng dalawang bagong bangka upang madagdagan ang kapasidad ng ferry system at mas mapalawak ang serbisyo nito sa mga commuter.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 1,000 pasahero araw-araw ang gumagamit ng river ferry service. Ayon sa mga opisyal, malaking tulong ang pagdami ng mga sumasakay dito upang mabawasan ang traffic congestion sa Metro Manila.
Nagpasalamat din ang pamahalaang lokal sa Department of Information and Communications Technology o DICT sa pagbibigay ng libreng Wi-Fi para sa mga pasahero ng ferry service.
Bukod sa usapin ng river ferry, tinalakay rin ng mga opisyal ang panukalang proyekto ng MMDA para sa pagpapaganda at pagpapalawak ng mga sidewalk sa kahabaan ng C5 Road upang mapabuti ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pedestrian.