4-YEAR TERM SA BARANGAY, SK, LUSOT NA SA SENADO

Manila, Philippines—Sinang-ayunan ng 22 senador ang bagong panukalang nagtatakda na apat na taon na ang office term ng mga opisyal ng barangay at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK).

Sa ikatlo at huling pagbasa sa Senate Bill No. 2816, o ang “Act setting the term of office of barangay officials and member of the SK” nitong ika-14 ng Enero, pinaboran ng lahat ng mga senador ang naturang panukala.

Ayon kay Senador Imee Marcos, na sponsor ng panukalang batas, ang mas mahabang termino para sa mga opisyal ng barangay at SK ay mas palalalimin ang kanilang pag-unawa sa mga pambansa at lokal na isyu sa bansa, gayundin ang mas mahabang panahon upang maimplementa ang kanilang mga programa.

Sa ilalim ng panukalang ito, walang elective barangay official ang manunungkulan ng higit sa tatlong magkakasunod na termino sa iisang posisyon.

Ang susunod na regular na barangay at SK election ay nakatakdang ganapin sa unnag Lunes ng Oktubre taong 2027, at kada apat na taon pagkatapos nito.

Habang ang termino sa opisina ng mga maluluklok makaraang maimplementa ang panukalang ito ay magsisimula sa unang araw ng Nobyembre kasunod ng kanilang pagkakahalal.

Gayundin, lahat ng mga incumbent officials ay mananatili sa opisina hanggang mayroon nang papalit sa kanila sa pwesto, maliban na lamang kung sila ay tatanggalin o masususpinde.

Ang mga incumbent elective officials naman na nasa kanilang ikatlong sunod na termino na ay hindi na maaaring makatakbo sa parehong posisyon sa darating na Barangay at SK Elections sa Oktubre 2027.

Share this