Manila, Philippines – Ganap ng batas ang General Appropriation Act (GAA) para sa fiscal year 2026, ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong lunes ang Php 6.793 trillion pondo.
Sa kanyang speech, nabanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga pangyayaring sumubok sa Pilipinas noong 2025.
Partikular na rito ang mga kalamidad at sakuna, problema sa ekonomiya, at ang pagkakabulgar ng malaking korapsyon sa mga flood control project.
Giit ng Pangulo, ang mga problemang ito ang nag-udyok na ang tunay na pagbabago ay hindi na makapag-iintay pa.
Dagdag ni Pangulong Marcos na sa gitna ng termino, nasa kritikal na kalagayan ang mga proyekto na ipinatutupad sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Sa pagsasabatas ng Republic Act no. 12314 o ang pambansang pondo para sa 2026, iginiit niya na mahalagang sangkap ang pondong ito sa maayos na pagsasakatuparan ng mga proyekto.
Gayundin, ang tapat na pagpapatupad ng pondo na maglilingkod sa mga Pilipino.
Samantala, bago lagdaan ni Pangulong Marcos ang pondo para sa 2026, na-veto o hindi inaprubahan ng presidente ang 92.5 billion pesos worth of items sa ilalim ng unprogrammed appropriations.
Sa kanyang pahayag, sinabi niya na hindi niya pahihintulutan na gamitin sa maling paraan o magsilbi aniyang backdoor para sa mga pansariling paggastos ang UA.
P150.9-B UNPROGRAMMED FUNDS, PINAKAMABABA MULA NOONG 2019
Batay sa aprubadong Unprogrammed Appropriations (UAs), bumaba pa sa 150.9 billion pesos ang unprogrammed funds para sa 2026.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ito ang pinakamababang UA mula noong 2019.
Makikita sa mga nagdaang taon kung gaano kalaki ang itinataas ng UA bago tapyasan sa 2026 GAA.
Noong 2019, nasa 197.1 billion pesos ang UA.
Tumaas ito sa P216.3 billion pesos noong 2020 at bumaba noong 2021 sa P176.3 billion pesos.
Ngunit muling tumaas ang UA noong 2022 sa P251.6 billion pesos, na higit pang lumobo sa 807.2 billion pesos noong 2023, bago bahagyang bumaba sa 731.4 billion pesos noong 2024.
Nabawasan din sa 363.4 billion pesos noong 2025, bago muling bumaba 150.9 billion pesos ngayong 2026.
UNPROGRAMMED FUND FROM 2019 -2026
2019 – PHP197.1 billion ↑
2020 – PHP216.3 billion ↑
2021 – PHP176.3 billion ↓
2022 – PHP251.6 billion ↑
2023 – PHP807.2 billion ↑
2024 – PHP731.4 billion ↓
2025 – PHP363.4 billion ↓
2026 – PHP150.9 billion ↓
Kabilang sa mga na-veto ang mga panukalang pondo para sa budgetary support sa GOCCs, mga hindi pa nababayarang bahagi ng LGUs mula sa nakaraang taon, ilang personnel services requirements, ilang industry support programs, insurance ng government assets, at ilang panukalang counterpart funding ng gobyerno.
Ang ilan naman sa mga natirang line item sa UA ang suporta sa foreign-assisted projects na inaasahang mapipirmahan ang loan agreements ngayong taon, mga pondo para sa risk management sa mga hindi inaasahang pangyayari, at PHP50 bilyon para sa Revised AFP Modernization Program, na mahalaga sa pagpapalakas ng kakayahan ng bansa sa depensa.-Krizza Lopez, Eurotv News