PAG-INSPEKSYON SA BUS, PUV TERMINALS MAS PINAIGTING PA; 116 OPERATOR NAKATANGGAP NG SCO — LTFRB 

Manila, Philippines – Sa pagpapatuloy ng isinasagawang pag-iinspeksyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa mga bus at public utility vehicle (PUV) terminals laban sa mga marumi at sirang pasilidad, umabot sa 116 operator na ang pinadalhan ng SCO at notice of violation. 

Alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Atty. Giovanni Z. Lopez, na tiniyakin na magpapatuloy ang nationwide crackdown ng ahenya upang mapilit ang mga terminal manager at operator na sumunod sa pamantayan ng pamahalaan para sa komportable at ligtas na serbisyo sa mga commuter.

Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor D. Mendoza II, umabot na sa 243 bus at PUV terminals ang kanilang na-inspeksyon sa buong bansa. 

Sa bilang na ito, 116 na ang pinadalhan ng ahensya ng show cause order (SCO) at notice to comply dahil sa iba’t ibang paglabag.

Kabilang sa mga natukoy na paglabag ang kakulangan ng maayos na pasilidad laban sa init at ulan para sa mga pasaherong naghihintay sa mga terminals, kakulangan ng mga comfort room na karamihan ay sira at hindi nagagamit, at masisikip na espasyo. 

Pati na rin ang kakulangan sa seguridad at kawalan ng tamang lugar para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs).

Dagdag pa ni Mendoza, may ilang terminal pa umano na naniningil ng bayad sa paggamit ng comfort room, na aniya’y malinaw na paglabag at kawalan ng malasakit sa mga pasahero.

Binigyang-diin din ng kalihim na ang ginagawang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kapakanan ng mga commuter. Aniya, patuloy niyang imo-monitor ang mga regional office ng LTFRB upang masiguro ang pagsasagawa ng random at surprise inspections.

Batay sa datos ng LTFRB, pinakamaraming terminal ang na-inspeksyon sa Metro Manila na may 40, sinundan ng Central Luzon at Northern Mindanao na may tig-30, at Calabarzon na may 27.—Grachella Corazon, Eurotv News

Share this