DOLE, IDINEKLARANG ‘SPECIAL WORKING DAY’ ANG 40TH ANNIVERSARY NG EDSA PEOPLE POWER 

Manila, Philippines – Isang araw bago ang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution. 

Idineklara ng Department of Labor and Employement (DOLE) na Special (Working) Day ang February 25, ibig sabihin nananatili itong ordinaryong araw at may pasok pa rin sa trabaho ang mga empleyado.

Alinsunod sa inilabas na Labor Advisory ng DOLE, tatanggap pa rin ng 100% wage rate ang mga empleyadong papasok sa nasabing araw habang ipatutupad ang ‘no work, no pay’ sa mga liliban sa trabaho.

Maliban na lamang kung may umiiral na polisiya ang isang partikular na kumpanya o employer sa pagitan ng empleyado na babayaran pa rin ang kanilang arawang sahod sa mga special days kahit na hindi pumasok.

Kasabay nito inilabas rin ng ahensya ang kopya ng regular holiday at special days para ngayong taon.

Kaugnay pa rin ng paggunita sa Edsa People Power Revolution nag-anunsyo na ng suspensyon sa klase ang ilang mga unibersidad:

* Ateneo de Manila University

* De La Salle Philippines schools

* University of Santo Tomas

* University of the East (Manila—Caloocan)

* Colegio de San Juan de Letran

* Mapúa University (Intramuros, Makati, at Ayala Malls Manila Bay campuses)

* Adamson University

* Miriam College

* St. Theresa’s College of Quezon City

* Far Eastern University (Manila at Makati)

* University of Perpetual Help System DALTA

* St. Mary’s University

* University of San Jose Recoletos

* St. Bridget School, Quezon City

* San Beda University (SBU Manila at Rizal campuses)

* Elizabeth Seton School – South

* University of Saint Louis Tuguegarao

* St. Louis University

Sa pamamagitan naman ng isang Executive Order na ibinababa ng Taytay Rizal, wala ring pasok sa mga pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang government work kasama na ang operasyon sa Munisipalidad, barangay at may kinalaman sa National Government works.

Hinikayat din ng munisipalidad ang kanilang mag residente na dumalo sa mga aktibidad na may kinalaman sa komemorasyon ng EDSA People Power bilang pagbabalik tanaw sa pagkakaisa ng mga Pilipino at napagtagumapayang kalayaan. 

Samantala matatandaan na noong nakaraang taon, special working day din ang deklarasyon ng Malacanang sa February 25 kung saan binigyang diin ni Palace Press Officer at Undersecretary Atty. Claire Castro na nananatiling bukas ang palasyo sa anumang aktibidad na idinaraos ng mga Pilipino para gunitain ang 1986 EDSA People Power Revolution.

Share this