PBBM, PINAPABILIS ANG SLOPE PROTECTION PROJECT SA PASIG

Pasig City, Philippines – Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang agarang pagtapos sa naantalang slope protection structure sa Brgy. San Jose, Pasig City upang maibsan ang matagal nang pangamba ng mga residente laban sa posibleng pagguho ng lupa, lalo na tuwing tag-ulan.

Ayon sa Pangulo, mahalagang mapabilis ang proyekto upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian ng mga nakatira sa lugar.

Sa isinagawang inspeksyon, iginiit ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na kanilang minamadali ang konstruksyon upang masiguro ang tibay at pangmatagalang proteksyon ng istruktura.

“Pinapamadali ko itong slope protection natin dito kasi ayaw nating mangyari yung nakita nating nangyari sa ibang lugar na lumalambot ng todo yung lupa hanggang tuluyang bumagsak,” pahayag ni Dizon habang kasama si Pasig City Mayor Vico Sotto.

Dagdag pa ng DPWH, patuloy ang koordinasyon nila sa lokal na pamahalaan ng Pasig upang matiyak ang maayos at ligtas na implementasyon ng proyekto.

Inaasahan naman ng mga residente na sa tuluyang pagkumpleto ng slope protection structure ay mababawasan ang kanilang pangamba sa landslide at masisiguro ang kanilang kaligtasan sa panahon ng malalakas na pag-ulan.–Jabezha Gochuico, Contributor

Share this