Manila, Philippines – Itinali sa isang lubid at pilit na ibinuka ang mga pakpak gamit ang patpat bago ito itinaas upang alisin ang telang nakatakip sa imahen ng Mahal na Birheng Maria at pinalipad sa mga lobo, ‘yan ang sinapit ng isang kalapati sa The Diocesan Shrine & Parish of Immaculate Conception sa lungsod ng Malabon, sa gitna ng selebrasyon ng linggo ng pagkabuhay.
Dahil sa insidente, naging dahilan aniya ito ng pagkasawi ang nasabing kalapati.
Umani ito ng samu’t saring batikos mula sa ilang animal welfare groups at netizens.
Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), labis nitong ikinababahala ang sinapit ng kalapati, wala rin aniyang lugar ang ganitong klase ng animal cruelty sa mga religous celebration.
Iginiit pa nito, bagama’t kanilang iginagalang ang debosyon at layuning gawing mas makabuluhan ang pagdiriwang ng relihiyosong tradisyon, hindi naman katanggap-tanggap ang paggamit sa mga ito bilang subject sa mga aktibidad na nagdudulot ng sakit o panganib sa lahat ng uri ng hayop.
Binigyan-diin naman ng Animal Kingdom Foundation, na bagama’t kinikilala at nirerespeto nito ang symbolic significant ng mga naturang ibon sa ganitong uri ng mga relihiyosong aktibidad, hindi dapat naisasantabi ang kapakanan ng mga hayup.
Bagkus gamitin aniya sa tama hindi lamang sa pananampalataya, kundi pati na rin ng pakikiramay para sa lahat ng nilalang na ginawa ng Diyos.
Nakasaad naman sa Republic Act No. 8485, o ang Animal Welfare Act of 1998 na inamyendahan ng RA 10631, na ipinagbabawal ang kalupitan kabilang na ang pagpapabaya at pag-abandona sa mga hayop.
Sa gitna nito, humingi naman ng tawad si Kalookan Bishop Ambo Cardinal David sa isang homely, paglilinaw nito kung alam lang aniya niya na buhay na ibon ang ginagamit sa nakaugaliang ritwal ay agad itong tututol.
Humingi na rin ng paumanhin ang rector at parish priest ng Diocesan Shrine & Parish of Immaculate Conception sa publiko at kay Cardinal Pablo Virgilio David.
Paglilinaw nito walang kinalaman o alam sa isinasagawang pagtatanghal si Cardinal David, ipinaabot rin nito ang taos-puso paghingi ng kapatawaran hinggil sa napaulat na insidente.
Samantala, nanawagan naman ang ilang grupo ng animal welfare society sa mga simbahan at publiko na gumamit ng mas makatao at makakalikasan na pamamaraan sa mga relihiyosong pagtatanghal.
Magsisilbi rin aniya itong paalala sa lahat upang mas mapangalagaan ang kapakanan ng mga hayop sa lahat ng uri ng selebrasyon.—Grachella Corazon, Eurotv News