Manila, Philippines — Pinutol na ni dating Vice President at ngayo’y Naga Mayor Leni Robredo ang posibilidad na tumakbo siya sa pambansang halalan sa 2028.
Iginiit niyang desidido siyang tumakbo para sa isa pang termino bilang alkalde ng Naga City.
Ayon kay Robredo, nakatitiyak na siya na hindi na siya tatakbo para sa anumang pambansang posisyon—isang pahayag na ikinalungkot ng Partido Liberal ng Pilipinas.
Gayunman, sinabi ng partido na iginagalang nila ang naging desisyon ng dating bise presidente.
Umaasa pa rin ang partido na muling papakinggan ni Robredo ang panawagan ng maraming Pilipinong sumusuporta sa kanya.
Binanggit din ng Partido Liberal ang tumataas na bilang ng posibleng boto para kay Robredo sa mga survey kaugnay ng 2028 elections.
Ayon sa kanila, kung pagbabatayan ang resulta ng mga survey at ang kakayahan ni Robredo sa paglilingkod, nananatili ang kanilang paniniwala na malaki ang maitutulong nito sa pagbuo ng isang malawak at matibay na koalisyon sa 2028.
Samantala, nanawagan si Kiko Pangilinan—na naging running mate ni Robredo noong 2022—na pangunahan nito ang laban para sa mabuting pamamahala.
Hindi rin nawawalan ng pag-asa si ML Partylist Representative Leila de Lima na maaari pang magbago ang desisyon ni Robredo at tumugon sa panawagan ng taumbayan.
Sa kabilang banda, hinikayat ni Robredo ang publiko na wakasan ang tinatawag na “savior mentality,” na aniya’y nagiging hadlang sa tunay na pag-unlad ng bansa.
Sa kabila ng pagsasara niya ng pinto sa pagtakbo sa pambansang posisyon, ilang lokal na opisyal ang kanyang inendorso bilang mga lider na may kakayahang mamuno.
Kabilang dito sina Pasig Mayor Vico Sotto at Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Matatandaang tumakbo si Robredo sa pagka-Pangulo noong 2022 elections, kung saan naging pangunahing katunggali niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.