TUBIG, GAMOT AT FACEMASK, PANGUNAHING KAILANGAN SA MGA APEKTADO NG PAGPUTOK NG BULKANG MAYON

Manila, Philippines — Matapos ang naganap na pagsabog ng Bulkang Mayon noong Sabado, kinakaharap ngayon ng mga apektadong bayan sa Albay ang kakulangan sa malinis na inuming tubig, face masks kabilang ang N95 at mga gamot, lalo na para sa mga nakararanas ng hirap sa paghinga.

Ito ang naging pangunahing paksa sa isinagawang emergency meeting ng Bicol Regional Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Linggo. Ayon kay Jessar Adornado ng Office of Civil Defense-Bicol, mahalagang agad matukoy ang pangangailangan ng bawat lokal na pamahalaan upang mapabilis ang paghahatid ng tulong.

Sa ulat ng mga apektadong lugar, nangangailangan ang Guinobatan ng humigit-kumulang 15,000 litro ng inuming tubig araw-araw para sa 1,325 pamilya, na irarasyon sa 12 barangay. Samantala, humiling naman ang Camalig ng karagdagang hygiene kits at tuloy-tuloy na suplay ng face masks, habang prayoridad din sa Ligao City ang sapat na face masks para sa mga residente.

Agad namang tumugon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Magpapadala ang Department of Health (DOH) Bicol ng jerry cans, face masks, nebulizers, at mga gamot. Mag-aaugment naman ang Bureau of Fire Protection ng 10 fire trucks at 40 personnel mula Camarines Sur para tumulong sa clearing operations.

Magde-deploy din ng water filtration units ang Philippine National Police Regional Office 5 at APSEMO, habang mahigit 200 tauhan ng pulisya ang tutulong sa paglilinis ng mga kalsada. Bukod sa food packs, mamamahagi rin ng hygiene kits ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga nasa evacuation centers.

Patuloy naman ang declogging operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga pangunahing kalsada sa tulong ng mga district offices mula Camarines Sur at Sorsogon. Makikipag-ugnayan din ang OCD-5 sa Department of Agriculture upang masuri ang pinsala ng ashfall sa mga pananim at alagang hayop.

Sa panig ng lokal na pamahalaan, tiniyak naman ni Guinobatan Mayor Gemma Ongjoco na patuloy na natutugunan ang pangangailangan ng mga residente sa Guinobatan, kabilang ang pamamahagi ng face masks, tubig, at food packs mula sa DSWD Bicol. Nakaantabay rin ang mga health center para sa agarang serbisyong medikal.

Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa mabilis na koordinasyon upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga residenteng apektado ng pagputok ng Bulkang Mayon.

Share this