PMAAAI CHAIRMAN DAVID SA MGA ALUMNI: MANATILING APOLITICAL O WALANG PINAPANIGAN SA ISYU NI SEN. BATO

Manila, Philippines — Nanawagan ang Philippine Military Academy Alumni Association Inc. o PMAAAI sa kanilang mga miyembro na manatiling kalmado, nagkakaisa, at non-partisan sa gitna ng umiinit na usapin kaugnay kay Senator Ronald dela Rosa.

Sa opisyal na pahayag ni PMAAAI Chairman at CEO Ricardo A. David Jr., kinilala ng organisasyon na maaaring may magkakaibang pananaw ang mga Cavalier o mga alumni PMA hinggil sa isyu, lalo na sa pagtupad ng kani-kanilang tungkulin at paninindigan.

Gayunman, binigyang-diin ng PMAAAI na hindi dapat maging dahilan ang pagkakaiba ng opinyon upang mawala ang respeto sa isa’t isa bilang magkakapatid sa hanay ng PMA.

Iginiit din ng organisasyon na nananatili silang nakagabay sa mga prinsipyo ng hustisya, due process, paggalang sa rule of law, at kalayaan ng mga institusyon.

Nanawagan din ang PMAAAI sa kanilang mga miyembro na pairalin ang dangal, integridad, propesyonalismo, at pagkakaisa, habang iniiwasan ang mapanirang pahayag, personal na pag-atake, at maagang paghusga.

Ayon pa sa asosasyon, dapat manatiling mas matatag ang kanilang samahan kaysa sa anumang pagkakaiba ng pananaw.

Noong Miyerkules bago magkagulo sa senado, humingi ng suporta ni Senator Bato Dela Rosa sa kapwa niya alumni ng PMA na magpahayag ng kanilang sentimyento sa nangyayari.

Inilabas na ng International Criminal Court ang arrest warrant laban kay Dela Rosa dahil sa pagpapatupad nito ng war on drugs, kung saan libo-libong mga Pilipino ang namatay dahil sa kampanya na ito.

Share this