Manila, Philippines — Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Mayo 27, araw ng Miyerkules, bilang regular holiday sa buong bansa kaugnay ng pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.
Batay sa Proclamation No. 1264, isinagawa ang deklarasyon alinsunod sa rekomendasyon ng National Commission on Muslim Filipinos at sa itinakda ng Republic Act No. 9849.
Ang Eid’l Adha ay isa sa pinakamahalagang pagdiriwang sa Islam at kabilang sa dalawang pangunahing kapistahan ng mga Muslim sa buong mundo. Ginugunita rito ang pananampalataya at pagsasakripisyo bilang bahagi ng tradisyong Islamiko.
Samantala, hinikayat naman ng Bangsamoro Darul-Ifta’ ang Ummah na gunitain ang Eid’l Adha sa pamamagitan ng pananalangin, pag-aayuno, pagbabahagi sa kapwa, at pagpapanatili ng kapayapaan at pagkakaisa sa komunidad.
Inaasahan naman na makikibahagi ang iba’t ibang komunidad ng Muslim sa bansa sa mga gawaing panrelihiyon bilang bahagi ng pagdiriwang ng Eid’l Adha.