Manila, Philippines — Hinimok ng National Commission of Senior Citizens o NCSC ang lahat ng pampubliko at pribadong establisimyento na kilalanin at tanggapin ang digital National Senior Citizens ID (NSCID) bilang lehitimong patunay ng pagkakakilanlan ng mga nakatatandang Pilipino sa kanilang mga transaksyon.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni NCSC Chairperson and CEO Ma. Merceditas Gutierrez na ang digital NSCID ay isang opisyal at lehitimong government-issued ID na layuning gawing mas madali at mas maginhawa ang pagkuha ng serbisyo para sa mga senior citizen.
Ayon sa advisory ng NCSC noong Mayo 18, maaaring gamitin ang digital senior citizen ID na makikita sa eGovPH app sa iba’t ibang transaksyon kabilang ang pag-avail ng 20% discount at value-added tax exemption sa mga gamot, pagkain, transportasyon, at iba pang serbisyo para sa senior citizens.
Maaari rin itong gamitin sa pag-access ng mga serbisyo ng gobyerno, social protection programs, financial transactions gaya ng pagbubukas ng bank account, loan applications, at iba pang lawful transactions kung saan kinakailangan ang senior citizen ID.
Inilunsad ng NCSC katuwang ang Department of Information and Communications Technology noong Agosto 2025 ang digital NSCID bilang bahagi ng digitalization efforts ng pamahalaan at pagpapatupad ng Republic Act 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Ayon pa sa NCSC, layunin ng digital ID system na mabawasan ang burukrasya, mapabilis ang serbisyo, at hindi na umasa sa pisikal na dokumento ang mga senior citizen.
Batay sa tala ng ahensya, mahigit 1.3 milyong senior citizens na ang nakapag-access ng kanilang digital IDs sa eGovPH app hanggang Abril 2026.
Awtomatikong lalabas ang digital NSCID sa eGovPH app para sa mga indibidwal na 60-anyos pataas na may National ID o may umiiral nang senior citizen record sa kanilang local government unit.
Sa paggamit nito, maaaring ipakita ng senior citizens ang digital ID direkta mula sa app o kahit screenshot lamang basta malinaw at updated ang impormasyon.
Binigyang-diin naman ni Gutierrez ang kahalagahan ng mas malawak na kaalaman at pagsunod ng mga establisimyento upang maiwasan ang abala at diskriminasyon laban sa mga senior citizen.
Maaari namang ireport sa NCSC ang anumang suliranin kaugnay sa pagtanggap o verification ng digital NSCID sa pamamagitan ng kanilang email, hotline, at opisyal na social media accounts.