MRT-3 NILINAW NA WALANG INAPRUBAHANG PAMAMAHGI NG CONDOM 

Manila, Philippines — Nilinaw ng Department of Transportation–MRT3 na walang inaprubahang pamamahagi ng condom sa mga restroom ng mga istasyon ng MRT-3 para sa mga pasahero.

Ito ay matapos ang naunang pahayag ng Philippine National AIDS Council o DOH-PNAC na posibleng magkaroon ng access ang commuters sa 10,000 condom bilang bahagi ng HIV awareness campaign.

Ayon sa MRT-3 management, walang naging kasunduan sa isinagawang coordination meeting noong Mayo 20 kaugnay sa naturang panukala. Anila, nakatuon lamang ang naging pag-uusap sa pagpapalakas ng information at awareness campaign tungkol sa HIV, AIDS, at sexually transmitted infections o STI sa pamamagitan ng paglalagay ng informational at infographic materials sa mga istasyon.

Dagdag pa ng ahensya, ang mga preventive health measures na natalakay ay para lamang sa internal wellness initiatives ng mga empleyado ng MRT-3, kabilang ang HIV screening, libreng counseling, at educational seminars.

Humingi na rin umano ng paumanhin ang DOH-PNAC matapos magdulot ng kalituhan ang mga naunang pahayag na tila nagpapahiwatig na aprubado na ang distribusyon ng condom sa mga istasyon ng MRT-3.

Share this