Manila, Philippines — Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na mananatiling 14 ang kabuuang bilang ng mga istasyon ng MRT-7, taliwas sa mga ulat na nagsasabing 13 na lamang ang itutuloy sa proyekto.
Ayon sa ahensya, bahagi pa rin ng aprubadong ruta ng MRT-7 ang San Jose del Monte (SJDM) Station at hindi ito inalis sa proyekto. Binigyang-diin ng DOTr ang kanilang pangako na maisakatuparan ang buong linya upang mapabuti ang serbisyo sa mga commuter sa Metro Manila at karatig-lugar.
Inihayag din ng DOTr na nakatakdang simulan ang operasyon ng unang 12 istasyon ng MRT-7, mula Sacred Heart hanggang North Avenue, pagsapit ng ikalawang quarter ng 2027. Ito ay alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang pagpapatupad ng mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura para sa kapakinabangan ng publiko.
Samantala, inaasahang matatapos at mabubuksan naman sa mga pasahero ang mga istasyon ng Tala at San Jose del Monte sa taong 2028.
Ang MRT-7 ay isa sa mga pangunahing proyektong pangtransportasyon ng pamahalaan na layong mapagaan ang daloy ng biyahe at mapahusay ang konektibidad sa pagitan ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.