Ngayong June 1, 2026 ang huling araw na ibinigay ng impeachment court para sa kampo ni Vice President Sara Duterte upang magsumite ng kasagutan kaugnay sa impeachment articles na nakahain laban sa kanya.
Ayon kay Batangas Representative Atty. Gerville Luistro, tatanggapin nila ang pagsusumite ni Vice President Duterte ng kasagutan sa mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.
Giit niya, mula pa noong impeachment articles noong ika-19 na Kongreso, matagal nang naghihintay ang sambayanang Pilipino sa kasagutan at paliwanag ng Bise Presidente.
Aniya, halos magkapareho lamang ang impeachment articles laban kay Duterte noong ika-19 at ngayong ika-20 Kongreso.
Partikular dito ang paliwanag ng Bise Presidente kaugnay sa umano’y pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, mga hindi maipaliwanag na yaman, hindi pagdedeklara sa kanyang SALN, at mga alegasyon ng bribery.
Inaasahan aniya ng House prosecution na umabot sa trial ang impeachment case laban kay Duterte upang makita ng taumbayan ang mga ebidensyang naipon ng prosecution panel.
Pinanghahawakan umano nila ang mga nakatakdang petsa para sa paglilitis laban sa opisyal.
Handa rin umano ang House prosecution na harangin kung sakaling hilingin ni Duterte na ma-dismiss ang kanyang kaso.
Batay kasi sa Senate Rules on Impeachment, walang probisyon kaugnay sa impeachment dismissal, remand, o clarification, kundi tanging paglilitis lamang na maaaring magresulta sa conviction o acquittal.
Naniniwala rin ang mambabatas sa kakayahan ng mga senador na pagdesisyunan ang impeachment articles at timbangin ang mga ebidensyang ihaharap sa paglilitis.
Dagdag ni Luistro, hindi rin nila masasabi sa ngayon kung conviction o acquittal ang magiging resulta ng impeachment trial.
Nabanggit din niya na hanggang ngayon ay wala pa umanong malinaw na sagot ang Bise Presidente sa mga alegasyon laban sa kanya.—Krizza Lopez, Eurotv News