PALASYO SA PAGDAKIP KAY SEN. JINGGOY: MATATAWAG NA ‘PAG-ARESTO’ ANG NANGYARI SA SENADO KAHAPON

Manila, Philippines — Pinanigan ng Malacañang  ang Department of the Interior and Local government nang sabihin nitong inaresto nila si Senator Jinggoy Estrada kahapon. 

Taliwas sa sinabi ng senador na siya ay kusang sumuko sa otoridad. 

Pahayag ni Palace Communication officer at Undersecretary Atty. Claire Castro, nasa senado na ang mga otoridad para isilbi ang warrant of arrest sa senador. 

Ngunit humingi muna aniya ng pagkakataon si Senator Jinggoy na makapagbigay ng kaniyang personal na pahayag, kung saan sinabi nito sa press briefing na kusa siyang sumusuko sa mga otoridad. 

Giit ni Castro hindi raw ito matatawag na pagsuko dahil hindi naman personal na pinuntahan ng Senador ang Criminal Investigation and Detection group o kahit ang Sandiganbayan. 

Samantala, hindi naman matatawag na obstruction of justice ang naging tensyon sa pagitan ni Senate President Alan Peter Cayetano at Interior Secretary Jonvic Remulla dahil sa pag-aresto sa kapwa senador sa loob ng senado. 

Ayon kay Castro, lumalabas na para sa imahe ng institusyon ang komprontasyon sa pagitan  ni cayetano at remulla.

Pinaboran din ng Malacanang ang naging tindig ng minority bloc kahapon na pagboboycott sa tungkulin ang hindi pagdalo ng mga senador sa regular session. 

Kahapon sana nakatakdang talakayin ang pag-amyenda ng Anti-Hospital detention bill, Magna Carta para sa barangay health workers, at ang Indigenous Peoples Rights Act of 1997.

Naglabas nitong Lunes ang Sandiganbayan Fifth Division ng mga warrant of arrest laban kay Estrada at sa iba pa, kaugnay ng mga kasong plunder at graft na nagkakahalaga ng P573-milyon na inihain ng Opisina ng Ombudsman.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this