Halos 10,000 jeepney drivers at transport workers sa buong bansa ang nabigyan ng emergency employment sa ilalim ng TUPAD Tuloy Pasada Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Batay sa datos ng DOLE hanggang Mayo 28, umabot na sa 9,981 benepisyaryo ang natulungan ng programa. Sa bilang na ito, 3,343 na ang nakatapos ng kanilang trabaho habang 6,638 naman ang kasalukuyang nagtatrabaho.
Bahagi ito ng target na 50,454 public utility jeepney (PUJ) drivers at transport workers na mabigyan ng ayuda at oportunidad sa kabuhayan.
Umabot na sa PHP45.2 milyon ang kabuuang pondong inilaan para sa programa.
Kasalukuyang ipinatutupad ang TUPAD Tuloy Pasada sa sampung rehiyon kabilang ang National Capital Region, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga.
Sa ilalim ng programa, tumatanggap ang mga benepisyaryo ng pansamantalang kita batay sa minimum wage habang patuloy silang nakapaglilingkod sa mga commuter at napananatiling maayos ang operasyon ng pampublikong transportasyon.
Sa Central Luzon, 738 jeepney drivers sa Pampanga na bumibiyahe sa rutang San Fernando-Angeles at Angeles City ang kabilang sa programa. Bawat isa sa kanila ay makatatanggap ng PHP18,600 para sa 31 araw na emergency employment mula Mayo 18 hanggang Hunyo 23.
Samantala, sa Calabarzon, inilunsad ang programa noong Araw ng Paggawa at unang sumaklaw sa 716 transport workers na suportado ng PHP9.08 milyong pondo para sa 20 araw na trabaho.
Sa Bicol Region, 46 PUJ drivers sa Naga City ang nagsimula nang makatanggap ng emergency employment assistance. Sa Iloilo City naman, 115 benepisyaryo kabilang ang mga driver at passenger assistant officers ang nabigyan ng trabaho sa ilalim ng programa.
Sa Northern Mindanao, umabot sa 1,657 TUPAD beneficiaries ang natulungan hanggang Mayo 21, habang 99 transport workers naman sa General Santos City ang nakinabang sa programa.
Ang TUPAD Tuloy Pasada Program ay bahagi ng whole-of-government response sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT), alinsunod sa Executive Order No. 110.
Layunin nitong mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa hanay ng mga transport worker sa bansa.