WEBSITE NG SENADO, NA-HACK NG GRUPONG ‘NULLSEC’; PROTESTA UMANO SA PATULOY NA GULO NG MGA SENADOR

Napasok ng nagpakilalang hacktivist group na NullSec PH ang website ng Senado bilang protesta umano sa patuloy na mga kontrobersiya at kaguluhan sa loob ng institusyon.

Bandang alas-11:30 ng gabi nang palitan ng grupo ang homepage ng Senado sa pamamagitan ng isang cyber defacement upang mag-iwan ng mensahe sa mismong website.

Sa kanilang iniwang mensahe, iginiit ng mga hacker na nagmamatyag ang mga Pilipino sa bawat galaw ng Senado.

Ayon sa kanila, ipinagkatiwala ng taumbayan sa mga senador ang kapangyarihan, responsibilidad, at tungkuling maglingkod sa bayan—at hindi para sa pansariling interes, political dynasties, o korapsyon.

Binigyang-diin din ng grupo na ang bawat pisong nawawala sa kaban ng bayan ay katumbas ng pagkaing naipagkakait sa mga pamilya, mga silid-aralang hindi natatapos, at mga oportunidad na nawawala para sa susunod na henerasyon.

Samantala, ayon sa pahayag ng Senate Electronic Data Processing-Management Information System Service (EDP-MISS), agad na ipinatupad ng kanilang technical team ang mga kinakailangang security protocols upang makontrol ang insidente at magsagawa ng masusing imbestigasyon.

Batay sa kanilang inisyal na assessment, walang sensitibong impormasyon ang nalagay sa panganib dahil ang laman ng website ay pawang mga dokumento at impormasyong inilalathala para sa transparency at access ng publiko.

Tiniyak naman ng Senado na nananatiling prayoridad nito ang pagpapanatili ng integridad, seguridad, at pagiging bukas ng kanilang mga digital systems.

Nakipag-ugnayan na rin ang Department of Information and Communications Technology o DICT Cybersecurity Bureau sa Senate EDP-MISS upang matugunan at makontrol ang insidente.

Sa kasalukuyan, isinailalim muna sa maintenance ang homepage ng Senado habang nagpapatuloy ang security validation at restoration process ng website.

Nagbabala rin ang DICT na maaaring maharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012ang sinumang mapatutunayang nasa likod ng hacking incident.

Kahapon nasa ilalim na ng hightened alert ang senado dahil sa banta sa seguridad ng institusyon, mula sa natioanl bureau of investigation. 

Kung saan ayon kay NBI Director Atty. Melvin matibag, posibleng pasukin ng armadong kalalakihan ang senad sa june 12, araw ng kalayaan.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this