GOREBOX DEVELOPER, TUMANGGING DUMALO SA PAGDINIG NG SENADO KAUGNAY NG TACLOBAN SCHOOL SHOOTING

Manila, Philippines — Kasunod ng masalimuot na insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Lunes, kung saan tatlong estudyante ang nasawi, magsasagawa na ng imbestigasyon ang Senado upang matukoy ang mga pagkukulang sa batas na may kaugnayan sa insidente.

Sa pangunguna ni Senadora Risa Hontiveros, pangungunahan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ang imbestigasyon sa posibleng papel ng online platforms sa radikalisyasyon ng mga menor de edad na mamulat sa karahasan.

Batay sa paunang findings ng mga awtoridad, lumalabas na lulong umano ang isa sa mga menor de edad na suspek sa Gorebox, isang gaming application na inilarawan ng mga awtoridad bilang graphic at ‘medyo bayolente.’

Nais ngayong malaman ng komite kung may impluwensya ba ang violent nature ng laro at exposure rito ng bata sa naging insidente ng pamamaril.

Dagdag pa ang layunin ng komite na matukoy ang posibleng pananagutan ng mga ganitong online platforms at gaming applications.

Kabilang sa mga inimbitahan ng komite sa hearing sa July 1 si Felix Filip na syang mismong game developer ng Gorebox.

Sa isang email sa Committee Secretariat, nagpahayag din ng pakikiramay si Filip para sa mga naging biktima ng trahedya at na wasto lamang aniya na mabigyan sila ng hustisya.

Sa kabila nito, tumanggi si Filip na dumalo sa hearing sa July 1, mapa-personal man o via online video conference, lalo pa at naka-base sya sa Germany.

Kinikilala nya aniya ang naging hakbang ng komite sa pagsisiguro ng kapakanan at kaligtasan ng mga kabataan, partikular na pagdating sa kanilang exposure sa online platforms.

Ngunit nilinaw nya na ang Gorebox ay isang game application na rated 18 at hindi para sa konsumo at paggamit ng mga menor de edad.

Ikinadismaya naman ni Hontiveros ang pagtanggi ni Filip na dumalo sa hearing, lalo’t marami aniya silang nais malaman mula sa mismong developer ng laro.

Aniya, hindi isinisisi ng Komite ang insidente sa mismong laro, ngunit kailangan aniyang malaman kung naging salik ba ito sa behavior ng menor de edad.

“Hindi natin sinasabing isang laro lang ang dahilan ng trahedyang ito. Pero kung may online environment na maaaring naging bahagi ng pagkakalantad ng mga bata sa karahasan, tungkulin nating siyasatin iyon,” Sen. Hontiveros said.

Dagdag ni Hontiveros, sinumang developer o online company na may operasyon sa Pilipinas at may kaugnayan sa mga kabataang Pilipino ay dapat na igalang ang sariling batas at institusyon ng bansa.

Kung hindi aniya nila kikilalanin ang batas ng Pilipinas, dapat rin silang magkaroon ng pananagutan.

Sa ngayon, plano raw ng komite na makipag-ugnayan sa Embahada ng Germany sa Pilipinas upang mai-apela ang pagtanggi ni Filip na dumalo sa pagdinig.

Mananatili rin aniyang bukas ang komite sakaling magbago ang isip ni Filip at naisin na nyang makiisa sa pagdinig.—Mia Layaguin, Eurotv News

Share this