Manila, Philippines — Sampung araw na lamang ang natitira bago ang pagsisimula ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.
Natapos na rin ang pre-trial conference ng House prosecution at ng defense team ng bise presidente, kung saan sinuri at minarkahan ang mga ebidensyang ihaharap ng magkabilang panig sa paglilitis.
Ayon kay House Prosecution Legal Spokesperson Atty. Jay Tolosa, naging matagumpay ang layunin ng pre-trial conference na gawing mas mabilis at mas episyente ang magiging pre-impeachment trial.
Ngunit kaugnay sa petisyon ng prosekusyon na buksan ang kontrobersyal at selyadong Bureau of Internal Revenue (BIR) box, kinuwestyon nila ang pagtutol ng kampo ni Vice President Duterte.
Giit ni Tolosa, hindi aniya normal na magkaroon ng argumento sa usapin ng pagbubukas ng kahon, dahil ang layunin lamang ng pre-trial ay markahan ang mga ebidensyang gagamitin sa paglilitis.
Pahayag naman ni Lanao del Sur Representative at House Prosecutor Zia Alonto Adiong, mahalaga ang nilalaman ng BIR box dahil may kaugnayan ito sa mga alegasyon ng unexplained wealth laban kina Vice President Sara Duterte at Atty. Manases “Mans” Carpio.
Aniya, maaaring makatulong ang mga tax records upang maipaliwanag kung tugma ang mga ito sa idineklarang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng bise presidente.
Para kay Adiong, tila nagpapakita ng pag-aatubili ang depensa sa paulit-ulit nitong pagtangging buksan ang kahon.
Dagdag ni Tolosa, nanindigan ang prosekusyon na dapat markahan ang mga dokumentong nasa loob ng BIR box bilang bahagi ng proseso.
Ngunit ayon sa kanya, paulit-ulit itong tinutulan ng depensa hanggang sa minabuti na lamang ng Clerk of the Court na hilingin sa kabilang panig na isumite ang kanilang posisyon sa pamamagitan ng isang liham.
Samantala, sinabi naman ni Batangas Representative at House Prosecutor Gerville Luistro na iginagalang nila ang kapangyarihan ng impeachment court na magpasya kung bubuksan ang BIR box.
Aminado rin siyang hindi nila inaasahang magiging usapin pa ang pagbubukas nito sa mismong pre-trial proceedings.
Sa Hulyo 6, nakatakdang magsimula ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga alegasyon ng grave threats, misuse of public funds, corruption, unexplained wealth, at betrayal of public trust.–Krizza Lopez, Eurotv News