Cebu, Philippines — Mahigpit nang ipatutupad sa mga paaralan sa bayan ng Dumanjug, Cebu ang total ban sa pagdadala ng cellphone ng mga estudyante.
Sa kanyang Facebook post, ipinabatid ni Dumanjug Mayor Gungun Gica na simula ngayong Lunes, hindi na papayagang magdala ng anumang cellphone ang mga mag-aaral sa loob ng paaralan.
Aniya, anumang cellphone na madadala sa campus ay agad na kukumpiskahin at ibabalik lamang sa may-ari sa pagtatapos ng school year.
Iginiit ng alkalde na walang magiging exemption sa naturang polisiya dahil layunin nitong mabawasan ang distraksiyon sa pag-aaral at hikayatin ang mga estudyante na magpokus sa pag-aaral.
Kasabay nito, inaasahan din ng lokal na pamahalaan ang pakikiisa ng mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak sa bahay sa pamamagitan ng regular na pag-monitor sa kanilang pag-aaral at pagbibigay ng sapat na oras sa pakikipag-usap sa pamilya.
Bukod sa cellphone ban, maglulunsad din ang munisipyo ng libreng Saturday tutorials sa ilang mga subjects para sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 12 simula July, parenting seminars para sa mga magulang, at mga pagsasanay para sa mga guro bilang bahagi ng programa upang mapataas ang kalidad ng edukasyon sa lugar.