Negros Oriental, Philippines – Naglabas ng Executive Order No. 2026-23 ang Pamahalaang Bayan ng Dauin, Negros Oriental na nag-uutos sa lahat ng punong barangay na magtalaga ng mga barangay tanod sa bawat pampublikong paaralan upang mapalakas ang seguridad ng mga mag-aaral.
Ang hakbang ay kasunod ng direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay sa buong bansa na mag-deploy ng mga tanod sa mga paaralan bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad sa pagbubukas ng klase.
Sa ilalim ng kautusan, magbabantay ang mga barangay tanod sa mga pampublikong paaralan sa antas ng elementarya at sekondarya sa oras ng pagpasok, lunch break, at uwian upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Kabilang sa kanilang mga tungkulin ang pagtulong sa mga estudyante sa ligtas na pagtawid sa mga kalsada at national highways, pamamahala sa daloy ng trapiko sa paligid ng mga entrance at exit ng paaralan, at pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa mga school vicinity.
Inaatasan din ang mga barangay tanod na makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng paaralan, Philippine National Police (PNP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at iba pang kaukulang ahensya kung kinakailangan. Bahagi rin ng kanilang responsibilidad ang agarang pag-uulat ng anumang insidente o banta sa seguridad.
Saklaw ng Executive Order No. 2026-23 ang lahat ng barangay at pampublikong paaralan sa bayan ng Dauin. Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng kautusan na higit pang pagtibayin ang sama-samang pananagutan ng LGU, mga barangay, paaralan, mga magulang, at ng buong komunidad sa pagtiyak ng ligtas at maayos na kapaligiran sa pag-aaral ng bawat bata.
Nanawagan naman ang pamahalaang bayan sa lahat ng sektor na makiisa upang matiyak na magiging ligtas ang bawat araw ng pagpasok ng mga mag-aaral.