LIBO-LIBONG MIYEMBRO NG INC, NAKIISA SA IKALAWANG ARAW NG PEACE RALLY

Manila, Philippines — Libong-libong kasapi ng Iglesia ni Cristo ang nakiisa sa ikalawang araw ng kanilang peace rally bilang pagkundena sa nagbabadyang pag-aresto kay Senator Rodante Marcoleta. 

Sa araw na ito, mayroon nang permit mula sa Department of Public Order and Safety mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City ang peace rally ng INC. 

Sina nanay Malou at nanay Marichu, kahapon pa ng alas kwatro nang madaling araw nasa EDSA at hanggang ngayon nag-iintay pa ng utos mula sa kanilang pamunuan kung tapos na ang pagkilos. 

Ayon sa kanila, pinaglalaban umano nila ang karapatan ni Senator Marcoleta. 

Naninindigan anila ang kapilya na ang dapat ikulong ay ang mga tunay na nagnanakaw sa pondo ng bayan, na ang gobyerno lamang ang nakakaalam ng katotohanan. 

Ayon kay nanay Emily na dumating kaninang alas syete, hindi lamang para sa kapilya ng Iglesia ang kanilang ipinaglalaban, para umano sa lahat ng Pilipino. 

Iniinda rin ng mga kasapi ang natatanggap nilang pangbabash sa social media laban sa mga INC. 

Mayroon po umanong bumaba mula sa region I at region III para dumalo sa peace rally sa EDSA People Power Monument. 

Mensahe nila para sa administrasyon ni Pangulong Marcos, mag-isip-isip at gawin nila ang tama.

Itigil na rin umano ang pangbabalungkot ng Office of the President sa batas. 

AKBAYAN, TINUTULAN ANG PAG-OORGANISA SA EDSA BILANG SUPORTA KAY MARCOLETA

Mariing tinutulan ng Akbayan Partylist ang planong paggamit sa EDSA para sa isang pagtitipon bilang suporta kay Senator Rodante Marcoleta, na inaasahang haharap sa kasong plunder.

Sa inilabas na pahayag ng partido, sinabi nitong iginagalang nila ang karapatan sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag.

Ngunit ayon sa Akbayan, nawawala ang tunay na diwa ng mga karapatang ito kung ginagamit umano ang mga ito hindi upang manindigan para sa katotohanan, kundi para ipagtanggol ang mga makapangyarihan at iniuugnay sa katiwalian.

Binigyang-diin din ng partido na ang EDSA ay sagradong lugar sa kasaysayan ng bansa.

Aniya, sumisimbolo ito sa pakikibaka ng mga Pilipino para sa katotohanan, katarungan, at pananagutan.

Dahil dito, iginiit ng Akbayan na hindi dapat gamitin ang EDSA bilang kanlungan ng mga akusado sa katiwalian at kultura ng impunity.

Iginiit pa ng Akbayan Party na maaaring dalhin ng mga tagasuporta ni Senator Rodante Marcoleta ang kanilang pagtitipon sa EDSA, ngunit hindi umano nila maaaring angkinin ang tunay na diwa nito.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this