Makati City, Philippines – Nagsagawa ang Department of Environmental Services (DES) at Makati Veterinary Services Department, katuwang ang Department of Environment and Natural Resources–Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB) ng Training on Squirrel Population Management sa Barangay Forbes Park bilang tugon sa patuloy na pagdami ng mga squirrel sa ilang village at barangay sa lungsod.
Ayon sa DENR, layunin ng pagsasanay na mabigyan ng wastong kaalaman ang mga opisyal at kawani ng barangay sa tama, makatao, at naaayon sa batas na pamamahala sa populasyon ng mga squirrel. Kabilang sa mga tinalakay ang pagkilala sa species, tamang paggamit ng mga trap, ligtas na paghawak sa mga hayop, at mga protocol sa kanilang pamamahala.
Batay sa ulat, ang dumaraming “Finlayson squirrels,” isang hindi katutubong species, ay nagdudulot ng pinsala sa mga kable ng kuryente, kumakain ng mga prutas, at sumasalakay sa mga ibon. Nagbabala rin ang DENR na maaari pang kumalat ang mga ito sa iba pang lugar kung hindi agad maaagapan.
Dinaluhan ang pagsasanay ng mga kinatawan mula sa anim na village, kasama ang mga tauhan ng DES at Makati Veterinary Services Department. Pinangunahan naman nina Pola Geneva Bumanglag at Dr. Michael Angelo Sevilla ng DENR-BMB ang naturang aktibidad.
Layunin ng programa na palakasin ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan at DENR sa pagpapatupad ng mga siyentipiko, makatao, at legal na hakbang upang makontrol ang lumalaking populasyon ng squirrel sa Makati. – Psalm Axl Perez, Contributor