SENATE OF THE PHILIPPINES — Tinalakay sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education ang School Safety Act na layong pagtibayin ang kaligtasan at seguridad sa loob at labas ng paaralan, ngayong Huwebes, Hulyo 9.
Ayon kay Committee Chair Senator Bam Aquino, layunin ng panukala na mas mapaigting ang seguridad ng bawat paaralan sa bansa.
Nakapaloob sa panukala ang pagpapalawak ng CCTVs, at pagpapahusay ng serbisyo sa mental health at psychosocial well-being ng mga mag-aaral.
Gayundin ang mga hakbang upang mapaganda ang serbisyo sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng mga paaralan, local government unit (LGU) at mga ahensya.
Natalakay din sa pagdinig ang pagkalunod ng mga estudyanteng atleta na sina Rene Baterbonia at Devine Adili, maging ang naganap na mass shooting incident sa Tacloban City kung saan tatlong estudyante ang nasawi.
Ayon kay Sen Aquino, ang mga nangyaring insidente sa mga paaralan ay isang hudyat ng pagpapatupad ng mga polisiyang mag bibigay proteksyon sa mga estudyante, guro, at staff.
“Ang mga paaralan ay dapat ligtas, ang mga estudyante at dapat ligtas at ang School Safety Act ay dapat gawing prayoridad ng ating gobyerno,” dagdag ng senator.
Samantala, kabilang sa dumalo sa pagdinig ang Committee on Higher and Vocational Education, Science and Technology; Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation; Justice and Human Rights; Finance Committee. — Rhylien Joy Dela Cruz, Contributor