Manila, Philippines — Nananatiling may pinakamataas na satisfaction rating si Vice President Sara Duterte kumpara sa iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan, batay sa pinakahuling Social Weather Stations o SWS survey.
Sa national survey na isinagawa noong June 20 hanggang 29, lumabas na 58% ng mga Pilipino ang nagsabing kuntento sila sa trabaho ng bise presidente, habang 26% naman ang hindi kuntento.
Katumbas ito ng +31 net satisfaction rating, na nasa antas na “good.”
Kumpara sa survey noong March 2026, tumaas ng dalawang puntos ang net satisfaction ni Vice President Duterte mula +29 patungong +31.
Natukoy sa survey na tumaas ang satisfaction rating ng bise sa Balance Luzon at Mindanao, ngunit lumabas sa survey bumaba sa Metro Manila.
Wala namang naitalang pagbabago sa net satisfaction ni Duterte sa Visayas.
Isinagawa ang survey ng SWS mula June 20 hanggang June 29, panahon na hindi pa nagsisimula ang pormal na impeachment trial.
Ayon kay Bicol Saro Representative at house prosecution member Atty. Terry Ridon, hindi maaaring itali ang net satisfaction rating ni Duterte sa konteksto ng impeachment trial.
Giit ni House panel Spokesperson Ace Barbers, usaping pagpapanagot ang impeachment trial at hindi dapat maging basehan ang popularity ng isang politiko para mapanagot ang isang opisyal ng gobyerno.
Hulyo 6 nang magsimula ang impeachment proceeding laban sa bise presidente dahil sa kasong grave threat, betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft, at corruption. — Krizza Lopez, Eurotv News