MUNGKAHI NG PAGMIMINA SA SIBUYAN ISLAND, INALMAHAN NG ALKALDE NG SAN FERNANDO

ROMBLON, Philippines—Umani ng matinding pagtutol mula sa alkalde ng San Fernando, Romblon ang naging desisyon ng konseho ng Sangguniang Bayan nito matapos na aprubahan ang isang resolusyon na nag-eendorso sa isang panukala ng pagmimina sa Isla ng Sibuyan.

Sa opisyal na pahayag na inilathala ng San Fernando Public Information Office (PIO), pinabatid ni Mayor Fernando “Nanding” U. Marin na ang usaping ito ay hindi lamang simpleng resolusyon kundi isang usapin sa kinabukasan, kaligtasan ng kalikasan, at buhay ng mga susunod na henerasyon ng mga naninirahan sa San Fernando.

Ipinaalala rin ng alkalde na ang pagmimina ay maaaring magdulot ng irreversible damage sa mga kagubatan, ilog, at kabuhayan—gayundin ang panganib sa pagputol ng libu-libong puno na nagsisilbing panangga sa kalamidad.

Ang naturang resolusyon ay sumasaklaw sa mga aplikasyon ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) para sa Declaration of Mining Project Feasibility, sa panukalang operasyon ng pagmimina, Miscellaneous Lease Agreement (MLA), at Tree Cutting Permit.

Ang proyekto ay nakatakdang isagawa sa pamamagitan ng mining tenement na may kabuuang sukat na 1,580.8010 hectares.

Sakop ng proyekto ang mga piling bahagi ng Barangay España at Taclobo sa bayan ng San Fernando.

Ang proposal ng proyektong inilunsad ng APMC ay bumabatay sa pagkakakilanlan ng Romblon bilang may mataas na potensyal sa mga metallic deposits tulad ng nickel, bakal, tanso, at ginto, nananatili pa ring hindi ganap na naggagalugad ang malaking bahagi nito.

Bukod dito, ang Isla ng Sibuyan naman ay mayroong kabuuang sukat na 405 square kilometers (40,500 hectares) at nahahati sa tatlong munisipalidad ng San Fernando, Magdiwang, at Cajidiocan.

Ang mga naturang lugar ay nagtataglay umano ng natatanging biodiversity at ecological significance na labis na pinangangalagaan.

Ayon sa mga dokumento ng proyekto, ang mga hangganan ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ay matatagpuan nang may distansyang hindi bababa sa 500 metro at nasa labas ng buffer zone ng protektadong Mount Guiting-Guiting Natural Park.

Nilinaw naman ng pamahalaan na hindi pa pinal ang pag-aapruba ng mungkahi dahil dadaan pa ang panukala sa masusing pagsusuri at pag-aaral ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon.

Samantala, nananatili namang matatag ang paninindigan ni Mayor Marin na hindi dapat minamadali ang mga ganitong kritikal na desisyon. Aniya, dapat itong ibase sa siyensya, maingat na pagrepaso sa Comprehensive Land Use Plan, at higit sa lahat, sa tapat na pakikinig sa tinig ng mamamayan na direktang maaapektuhan ng proyekto.—Jen Latuga, Contributor

Share this