Manila, Philippines — Tatlong araw bago ang ika-limang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mga higanteng ‘Final Demand Notice’ ang inihain ng grupong Gabriela sa isang panawagan ng mga kababaihan.
Mula Recto hanggang Mendiola, nagmartsa ang Gabriela Women’s Party kasama ang iba’t ibang sektor ng kababaihan mula manggagawa, urban communities, vendor, kabataan, at mga ina.
Ang mga higanteng ‘Final Demand Notice’ anila ay paghingi ng isang pananagutan mula sa Pangulo at administrasyon nito laban sa lumalalang krisis sa ekonomiya, korapsyon, at pag-atake sa karapatan at kabuhayan ng mga kababaihan.
Ito ay para ilantad ang anila’y tunay na estado ng kababaihang Pilipino bago ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Lunes.
“Baon na baon sa utang ang milyun-milyong Pilipino dahil sa napakataas na presyo ng bilihin at mga pangunahing serbisyo, mababang sahod, at kawalan ng disenteng trabaho. Pero kung tutuusin, ang administrasyong Marcos ang may pinakamalaking pananagutan sa mamamayan dahil sa patuloy na pagpapabigat sa buhay ng kababaihan at kanilang mga pamilya,” pahayag ni Gabriela Women’s Party Representative Sarah Elago.
Iginiit niya rin na wakasan na ang 12% Value Added Tax (VAT) na siyang dagdag pasanin sa mga kababaihan dahil sa epekto nito sa pagpapataas ng mga bilihin at serbisyo.
“Panahon na para singilin ang gobyernong ito ng konkretong aksyon, dapat tanggalin na ang VAT sa batayang pangangailangan ng mamamayan, dagdagan ang sahod at kabuhayan, at unahin ang lokal na agrikultura at produksyon,” aniya.
Para sa grupo, ang protesta ay paalala nang patuloy na paghingi ng mga Pilipino ng isang konkretong aksyon mula sa pamahalaan na tuguan ang patuloy na krisis sa lipunan. — Nicole Buena, Contributor