MAGNITUDE 6.7 NA LINDOL, YUMANIG SA PERU

Yumanig ang magnitude 6.7 na lindol sa Peru nitong Huwebes ng hapon, ayon sa United States Geological Survey (USGS).

Batay sa kanilang pagtataya, ang lindol ay may lalim na 99.0 kilometro. Namataan ang epicenter nito 31 km sa hilagang-kanluran ng Aniso, Peru.

Naramdaman din ang pagyanig sa mga katabing bayan ng Puquio, Pullo, Coracora, Upahuacho, San Pedro, at Pichari.

Kaugnay nito, wala naman naitalang nasawi o matinding pinsala sa mga imprastruktura kasunod ng pagyanig, ayon sa National Emergency Operations Center (COEN).

Gayunpaman sa inisyal na impormasyon ni National Institute of Civil Defense Head Luis Vásquez, mayroon dalawang katao ang sugatan.

Samantala, may higit sa 20 kabahayan, higit sa limang paaralan, at health centers ang naapektuhan sa iba’t ibang bayang naitala ring nakaramdaman ng lindol.

Suspendido naman ang mga klase sa Peru upang bigyan ng oras na tingnan ang mga nasirang mga istruktura.

Binalaan din ni Vásquez ang publiko na ang ilang mga larawang kumakalat online ay hindi mula sa naturang lindol, kaya nakiusap siyang mag-abang lamang ng mga impormasyon sa pinagkakatiwalaan at opisyal na mga channel.—Poliana Canuday, Contributor

Share this