Marikina City, Philippines — Pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang solid waste management system na ipinatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina, na aniya ay malaking tulong sa pagtugon sa problema ng pagbaha.
Sa kanyang pag-iinspeksiyon sa Materials Recovery Facility (MRF) ng lungsod, sinabi ng Pangulo na malaki ang naging ambag ng maayos na pamamahala ng basura sa pagbawas ng mabilis na pagtaas ng tubig sa ilang bahagi ng Marikina.
Sa ilalim ng sistema ng lungsod, ang mga nakokolektang basura ay isinasailalim sa segregation at recycling upang mapakinabangan muli at gawing iba pang produkto.
Dahil dito, hinikayat ni Marcos ang iba pang lokal na pamahalaan na bumuo at magpatupad ng kahalintulad na sistema sa kanilang mga lugar.
Binigyang-diin ng Pangulo na hindi sapat ang pagsasagawa lamang ng desilting o paglilinis sa mga ilog upang matugunan ang problema sa pagbaha.
Aniya, mahalagang bahagi rin ng flood control efforts ang pagkakaroon ng maayos at organisadong sistema sa pamamahala ng solid waste upang maiwasan ang pagtatapon ng basura sa mga daluyan ng tubig.
Iginiit ni Marcos na ang wastong pamamahala ng basura ay hindi lamang usapin ng kalinisan kundi mahalagang hakbang din sa pagpigil at pagbawas ng epekto ng pagbaha sa mga komunidad.