MALAKING BAWAS-PONDO SA EDUKASYON SA 2027 NEP, KINWESTYON NI ERICE

Manila, Philippines — Kinuwestyon ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice ang malaking bawas-pondo sa mga pangunahing programa ng Department of Education sa panukalang badyet ng kagawaran na ₱975.96 bilyon para sa 2027 National Expenditure Program (NEP) sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong September 8, Lunes.

Inihayag ni Erice ang kanyang pagkabahala kay Education Secretary Sonny Angara ukol sa pagliit ng alokasyon sa mga kritikal na proyekto ng kagawaran, kabilang ang school-based feeding program at pagpapatayo ng mga pasilidad sa paaralan.

“Alam ko po na very capable at napakagaling ng Kalihim ng Department of Education, subalit ano kaya ang magagawa ng ating Kalihim kung napakalaki ng bawas sa kanyang badyet?” giit ni Erice sa gitna ng deliberasyon.

Paliwanag naman ni Angara, tila lumabas lamang na malaki ang nabawas sa 2027 proposal dahil naging rekord ang badyet ng DepEd noong 2026 matapos nitong makatanggap ng karagdagang pondo mula sa ibang ahensya.

Ito ay kasunod ng pagtapyas ng humigit-kumulang P200 bilyon mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa kontrobersya sa mga proyektong flood control, kung saan inilipat ang pondo sa sektor ng edukasyon at kalusugan.

“Tama po kayo, malaki ho ang bawas sa budget, pero naiintindihan din po natin ’yong konteksto ng malaking budget ng 2026 na bunga din po, kumbaga, bonanza ng flood control dahil ’yong P200 billion na napunta po sa edukasyon at sa health, and hopefully magpatuloy po,” tugon ni Angara.

Ang nasabing reallocation ay isinagawa ng Budget Amendments Review Sub-committee (BARSc) upang ipamahagi ang natapyas na pondo ng DPWH sa mga pangunahing serbisyong panlipunan.–Poliana Canuday, Eurotv News

Share this