Quezon City, Philippines — Iniulat ng Quezon City na flood related exposure ang pinakapangunahing sanhi ng mga kaso ng leptospirosis, kung saan nakapagtala ito ng halos 77% mula sa kabuaang 821 kaso ng sakit sa lungsod.
Ito ay batay sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) surveillance report mula January, 1 2026 hanggang September 10, 2026.
Sa kanilang datos, 630 na kaso o 76.74% ng kabuuang bilang ay dulot ng flood related exposure o paglusong sa baha.
“Ipinakikita ng datos na nanatiling mahalagang risk factor ang exposure sa tubig-baha sa pagkakaroon ng leptospirosis,” ani QCESD.
Ipinakita rin sa datos na 10.11% o 83 ng mga kaso ay hindi pa tukoy ang dahilan, habang 35 o 4% naman ang naitala sa iba pang uri ng exposure na hindi na tinukoy.
Samantala, 1.79% ng mga kaso ay may kaugnayan sa food and water ingestion, habang 1.10% naman ang naitala sa mga rat infested house.
Samantala, nagpaalala naman ng Quezon City Health Department (QCHD) sa mga nararapat gawin upang maiwasan ang pagkakaroon ng Leptospirosis.
Kabilang dito ang pag-iwas sa paglusong sa baha at maruming tubig, pagpapanatili ng malinis na paligid at paggamit ng proteksyon gaya ng bota.
Kung sakaling makaranas ng sintomas, huwag mag-atubili at magpakonsulta sa pinakamalapit na health center o ospital. — Lourise Hilario, Contributor