Manila, Philippines — Naharang ng Bureau of Immigration o BI sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ang apat na Pilipinong pasahero na umano’y na-recruit para magtrabaho bilang security personnel at military personnel sa Russia.
Ayon sa BI, naharang ang apat sa magkahiwalay na insidente noong September 18 at 19 at itinuring na potential victims of human trafficking.
Batay sa Immigration Protection and Border Enforcement Section o I-PROBES, isinailalim sa masusing beripikasyon ang apat matapos mapansin ng mga immigration officer ang mga hindi tugmang detalye sa kanilang idineklarang destinasyon.
Noong September 18, tatlong lalaki na kinilalang sina “Aldo, “Nery,” at “Baby, ang nagdeklara na patungong Thailand.
Ngunit sa secondary inspection, isiniwalat umano ni Aldo na Russia ang kanilang aktuwal na destinasyon matapos siyang ma-recruit sa pamamagitan ng Facebook para magtrabaho bilang security personnel.
Pinangakuan umano siya ng sahod na aabot sa ₱70,000 kada buwan.
Samantala, sinabi naman ni Nery na isang hindi kilalang indibidwal sa Bangkok ang nag-recruit sa kanya.
Ayon kay Baby, isang lalaki na kinilalang si ‘Alexander’ ang nagsponsor ng kanyang pag-alis.
Kinabukasan, September 19, isa pang pasahero na kinilalang “King,”, ang naharang habang idinedeklarang patungong Vietnam.
Sa masusing beripikasyon, isiniwalat umano ni King na Russia ang kanyang aktuwal na destinasyon at na-recruit siya para sa military service.
Pinangakuan umano siya ng ₱150,000 buwanang sahod, Russian citizenship matapos ang isang taon, at karagdagang bonus para sa pagtupad sa mga tinatawag na special mission.
Nakuha rin sa kanya ang isang nakatagong Russian visa.
Itinurn-over sila sa Inter-Agency Council Against Trafficking o IACAT para sa karagdagang assessment, imbestigasyon at kaukulang assistance.
Panawagan naman ni BI Commissioner Atty. Joel Anthony Viado sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na beripikahin muna ang mga job offer, recruitment agency at job order sa Department of Migrant Workers o DMW bago bumiyahe.
Lalo na aniya sa mga online job offer na nangangako ng hindi pangkaraniwang mataas na sahod, agarang deployment at iba pang benepisyo nang walang sapat na dokumentasyon.