Manila, Philippines — Dumating na sa Pilipinas kaninang 5:40 ng umaga ang ikalawang batch ng mga pilipinong repatriates mula sa Myanmar, na mga hinihinalang biktima ng human trafficking.
Sa isang press release nitong Miyerkules, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagdating ng naturang batch na binubuo ng 176 na mga Pilipinong biktima umano ng human trafficking sa bansang Myanmar.
Nitong Martes, ligtas ding nakabalik sa Pilipinas ang unang batch na binubuo ng 30 mga Pilipino na na-repatriate mula sa parehong sitwasyon.
Iniuugnay ng DFA ang matagumpay na repatriation efforts na ito sa isang linggo shuttle visit ni DFA Migration Affairs Undersecretary Eduardo José A. de Vega sa Myanmar at Thailand para tuluyang mapauwi ang naturang 206 na mga Pilipino.
Makaraang makabalik sa bansa, kaagad din silang binigyan ng kinakailangang medical at psychosocial support mula sa Department of Health.
Nilinaw naman ng Department of Justice na hindi parurusahan ang mga naturang Pilipino sakali mang snagkot sila sa scam hubs sa Myanmar, habang naghain na ng show cause order ang Bureau of Immigration (BI) sa kanilang pitong empleyado na hinihinalang sangkot sa illegal exit ng mga Pilipino patungong ibang bansa nang hindi dumadaan sa tamang departure process.