Caloocan City, Philippines — Ilang residente sa Barangay 168 Deparo, Caloocan City ang pansamantalang inilikas at ngayon ay nananatili sa mga evacuation center dahil sa ammonia leak na nanggaling sa isang planta ng yelo.
Agad naman na rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP) Caloocan City, sa lugar upang agad na magsagawa ng pag-iinspeksyon tulad ng pagsasara ng lahat ng mga valves, main electrical breaker, at paghahanda at pag-install ng mga ventilation equipment upang mabawasan ang pagkalat ng mga mapanganib na usok.
Ayon sa BFP Caloocan, dalawang indibidwal ang ngayon ay ginagamot sa hospital, habang walo ang iniulat na sinugod sa tala hospital matapos mahirapang huminga.
Aabot naman sa 90 residente ang inilikas sa dalawang evacuation center habang hindi pa tiyak kung maaari na bang makabalik ang mga ito sa kani-kanilang tahanan.
Nakikipagtulungan rin ang Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD), upang mabilis na maaksyonan ang insidente na nakakaapekto sa residential areas at commercial roads sa Caloocan City.
Samantala, sa pamamagitan ng coordinated at masusing pagiinspeksyon ng BFP at CDRRMD matagumpay naman na natagpuan ang pinagmulan ng pagtagas ng ammonia.
Bagaman napigilan na ang pagtagas pinayuhan parin ang mga motorista na dumaan muna sa mga alternatibong daanan upang hindi makalanghap ang kemikal mula sa nagleak na ice plant.
Inabisuhan rin ng mga residente na manatili nalang muna sa loob ng kanilang tahanan kung hindi naman kinakailangan na lumabas at tiyaking nakasara nang mahigpit ang lahat ng bintana at pintuan.
Maging ang pagsusuot ng face mask bilang proteksyon ay ugaliin rin upang hindi makalanghap ng kemikal at kung sakali man na makaranas ng pagkahilo o hirap sa paghinga agad na magtungo sa pinakamalapit na health center o ospital para sa paunang lunas.—Grachella Corazon, Eurotv News