ERICE HINILING SA SUPREME COURT NA MAGLABAS NG TRO SA KABILA NG KANIYANG DISKWALIPIKASYON SA MAY 2025 POLL

Manila, Philippines – Hiniling ni dating Caloocan City representative Edgar Erice sa Supreme Court (SC) na maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa kanyang disqualification mula sa May 2025 elections.

Base sa kanyang petisyon, hiniling ni Erice sa korte na maglabas ng TRO o writ of preliminary injunction para hikayatin ang Commission on Elections (Comelec) na ipatupad ang resolusyon nito sa kanyang diskwalipikasyon.

Kung sakaling magpatuloy ang poll body sa pag-imprinta ng mga balota, hiniling ni Erice sa korte na maglabas ng writ of preliminary mandatory injunction na nag-uutos sa Comelec na i-print muli ang mga balota kasama ang pangalan ni Erice sa listahan ng mga kandidato.

Sinabi naman ni Comelec Chairman George Garcia na iginagalang ng poll body ang opinyon ni Erice.

Dagdag pa nito, ginawa lamang nila ang kanilang tungkulin sa konstitusyon at sana raw ito ay suklian ng respeto ni Erice.

Noong Nobyembre 2024, diniskwalipika ng Comelec si Erice dahil sa paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code dahil sa pagpapakalat umano ng “false and alarming information.”

Sinabi rin ng Comelec Second Division na ang aksyon ng pagpapalaganap ng maling impormasyon ni Erice sa maraming plataporma ay nagpapakita ng kanyang sadyang layunin na guluhin ang halalan kaysa sa legitimate criticism.

Pinagtibay naman nito ang kanyang disqualification sa isang resolusyon na inilabas noong Disyembre 27.

Samantala, sinabi ni Erice na magkakaroon ng epekto ‘di umano sa gobyerno sakaling maglabas ng TRO ang SC pagkatapos mai-print ng Comelec ang mga balota.

Kaugnay nito ay naglabas na ang Comelec en banc ng Certificate of Finality and Entry of Judgment sa diskwalipikasyon ni Erice.

Share this