Manila, Philippines – Dalawang araw bago ang holiday session break ng Kongreso, panibagong impeachment complaint ang inihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Nitong Huwebes, ika-19 ng Disyembre, isinumite na sa House of Representatives ang ikatlong impeachment complaint laban kay Duterte, halos dalawang linggo matapos ang naging paghahain sa naunang dalawang reklamo.
Ang ikatlong reklamo na ito ay inihain ni Atty. Amando Ligutan, na nilagdaan ng 12 pari, mga miyembro ng clergy, mga abogado, at ilang miyembro ng isang non-government organization.
Naging grounds ng bagong impeachment complaint na ito ang alegasyon ng betrayal of public trust laban kay Duterte.
Giit ng grupong naghain ng reklamo, naniniwala sila na nakagawa si Duterte ng ilegal at imoral na gawain laban sa mga Pilipino. Kabilang na anila rito ang pagpatay, pagnanakaw, at pagsisinungaling na hindi anila katanggap-tanggap.
Dagdag ng grupo, sapat nang batayan ang naging resulta ng mga isinagawang pagdinig ng Kongreso kautgnhay ng confidential funds ng Office of the President (OP) at Department of Education (Deped) para patunayan ang grounds ng kanilang alegasyon.
Panawagan nila ngayon, nasa House of Representatives at nasa Senado na ang moral na responsibilidad para alisin sa pwesto at panagutin si Duterte sa mga naturang alegasyon.
Matatadaan na noong unang linggo ng Disyembre, magkasunod na isinampa ang una at ikalawang impeachment complaint laban kay Duterte alinsunod sa iba’t-ibang grounds ng alegasyon.