Manila, Philippines — Naniniwala ang kampo ni Vice President Sara Duterte na ang paglutang ng mga bagong alegasyon at imbestigasyon laban sa bise ay parte ng political persecution ng administrasyong Marcos laban sa ikalawang Pangulo.
Sa isang opisyal na pahayag, inakusahan ni Office of the Vice President (OVP) spokesperson Atty. Paolo Panelo na ginagamit ng administrasyong Marcos ang mga institusyon ng gobyerno upang usigin si Duterte para sa mga politikal na rason.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng magkakasunod na press conferences ng National Bureau of Investigation na kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon patungkol sa umano’y discrepancies sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte.
Kinondena ni Panelo ang pag-ere sa media ng naging findings ng NBI nang hindi muna naipapaalam sa Bise ang nilalaman ng mga alegasyon. Dahil dito, nawalan aniya ng oportunidad si Duterte na makapagbigay ng opisyal na tugon kaugnay nito.
Inakusahan din ni Panelo ang administrasyon na minadali ang pagpapasa ng NBI report sa OFfice of the Ombudsman upang maiwasan magkaroon pa ng pagkakataon si Duterte na mapabulaanan ito, kahalintulad sa isinagawa nyang press conference kaugnay ng mga alegasyon ni Rodulfo Gracioso.
“That is not the work of a fair and impartial investigative body. That is a shameless smear campaign against the Vice President using public funds, headlined by a man with a documented conflict of interest against her,” sabi ni Panelo.
Hindi rin napigilang kwestiyunin ni Panelo ang kredibilidad ng NBI findings, gayong hindi na isinama ng House prosecution ang ahensya bilang isa sa mga testigo sa Impeachment Trial para sa alegasyon ng umano’y undeclared wealth ng Bise.
“If the NBI’s findings were truly credible or reliable, then why were they excluded by the prosecution in the impeachment trial where alleged undeclared or misdeclared properties in the Vice President’s SALN are precisely at issue, and where the NBI’s supposed findings can be authenticated, challenged, and rebutted by the defense for the world to see?,” dagdag ng OVP spokesperson.
Ayon pa kay Panelo, naninindigan si Duterte na idineklara nya ng tama sa kanyang SALN ang lahat ng kanyang mga ari-arian, at muling pinabulaanan ang mga alegasyon kaugnay nito.
Nagpahayag din si Duterte ng kumpyansa na mapatutunayan ito sa impeachment trial ng kanyang kampo, gayundin sa Ombudsman sakaling ipatawag ang Bise para sa usaping ito.