Manila, Philippines — Dumalo si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte ngayong Martes.
Sa pagharap niya sa korte, idineklara si Mayor Baste bilang hostile witness dahil sa umano’y adverse interest nito o salungat na interes sa panig ng prosecution.
Bago hilingin ni House Private Prosecutor Atty. Theodore Te sa impeachment court na ideklara si Mayor Duterte bilang hostile witness, ipinakita muna ni Atty. Te ang isang pahayag ng alkalde.
Kinumpirma ni Duterte ang ulat na sinabi niyang layunin ng impeachment trial laban sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte na pigilan itong tumakbo sa 2028 elections.
Ayon kay Mayor Duterte, batay sa kanyang sariling “perception” ang naturang pahayag.
Kinumpirma rin niya ang inilabas niyang Facebook statement noong Setyembre 21 kaugnay sa isyu ng GenCorp Industries Inc.
Sa naturang pahayag, nagbabala siya laban sa umano’y “deceptive claims and orchestrated narratives” na aniya ay ginagamit para sa mga political motives, pansariling interes, at pagkakawatak-watak.
Iginiit din ni Mayor Duterte na dumalo siya sa impeachment trial dahil napilitan siyang humarap matapos siyang patawan ng subpoena ng Senate Impeachment Court.
Aniya, hindi siya kusang-loob na haharap sa paglilitis kung hindi siya ipinatawag ng korte.
Dahil napatunayang may adverse interest ang alkalde sa korte, pumayag si Senator-Judge at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na ituring siyang hostile witness ng prosecution.
Ayon kay Escudero, may posibilidad ding maisiwalat sa korte kung may pananagutan si Mayor Duterte kaugnay sa mga isyung kinakaharap ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Kahapon, isiniwalat sa korte na 11 proyekto ng Davao City government sa GenCorp Industries ang hindi dumaan sa public bidding.
Humarap si Mayor Duterte sa Impeachment Court upang tanungin kaugnay sa mga kontrata ng Davao City government sa GenCorp Industries Inc., — isang kumpanyang idineklara ni Vice President Duterte bilang business interest sa kanyang 2024 at 2025 Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALNs.
Kabilang sa tinatalakay ng Impeachment Court ang mga alegasyon ng umano’y unexplained wealth, hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian, at kabiguang i-divest ni Vice President Duterte ang kanyang business interests habang nagsisilbi bilang bise presidente.–Krizza Lopez, Eurotv News