Manila, Philippines — Isinusulong ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pag-aadjust sa oras ng pasok ng mga empleyado ng gobyerno na magpapaluwag umano ng trapiko sa National Capital Region (NCR).
Sa isang press conference nitong ika-16 ng Enero, kinumpirma ni MMDA Chairperson Atty. Romando Artes na inirerekomenda nila sa pangulo na gawing 7 am hanggang 4 pm na ang working hours ng mga empleyado ng national government agencies (NGAs) dahil ito ang nakikita nilang solusyon para sa masikip pa ring lagay ng trapiko sa rehiyon.
Naging batayan aniya nito ang isang survey na nilahukan ng mga Local Government Units, na nagpakita ng pagbuti ng lagay ng trapiko kung ang 7am to 4pm na work schedule ang susundin.
“Pero sa amin pong palagay, kung lahat po ng mga national government agencies ay ng seven [a.m] to four [p.m.] [working hours], doon po mararamdaman talaga yung magandang epekto nito,” paliwanag ni Artes
Batay sa kaparehong report mula sa MMDA, ang ganitong schedule ay nagresulta sa mas maiksing travel time tuwing peak hours at nabawasan din ang mga pagkaantalang dala ng mabigat na trapiko.
Dagdag ni Artes, patuloy pa rin ang kanilang magiging koordinasyon sa mga alkalde ng 17 bayan at lungsod sa NCR para sa kumpletong datos bago isumite ang report na ito sa opisina ng pangulo.
“We’ll get muna the concensus of the mayors. We’ll coordinate with them, ask them kung ano ‘yong kanilang preference para kumpleto ‘yong datos na isa-submit natin sa pangulo at ‘yong recommendations din natin will be in line with the various experience[s] and recommendations din po ng bawat LGUs,” saad nya pa.