Manila, Philippines – Taong 1787 nang unang idaos at ipagdiwang ang Traslacion at kapistahan ng Poong Hesus Nazareno sa Basilika Menor at Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno o Quiapo Church.
At makalipas ang eksaktong 238 taon, buhay na buhay pa rin ang diwa ng pananampalataya at debosyon ng mga debotong umaasa ng kaligtasan mula kay Hesus.
Bandang 4:41 ng umaga ng ika-9 ng Enero 2025, nagsimula ang Traslacion sa Quirino Grandstand kung saan din isinagawa ang pahalik o pagpupugay sa poon.
Mabagal ang naging kickoff ng prusisyon dahil na rin sa mistulang dagat ng mga deboto sa paligid ng Quirino grandstand na tinatayang umabot sa 230,000 na mga mananampalataya.
Kanya-kanya ng diskarte upang makalapit o kaya naman ay makapagpunas ng panyo sa katawan ng poon, na parte ng kani-kanilang mga pananampalataya.
Sa pagtahak ng andas ng poon sa 5.8 kilometro nitong ruta ng procession, mas dumagsa pa ang mga debotong sumalubong sa poon bitbit ang kani-kanilang panalangin.
Sa Quiapo church naman, kung saan hihintayin ang pagbabalik ng poon matapos ang Traslacion, patanghali pa lamang ay halos punong-puno na rin ng mga deboto ang paligid.
Batay sa tala ng Nazareno Operations Center, hanggang nitong tanghali ay tinatayang nasa 192,000 na mga deboto ang nasa paligid na ng Quiapo Church, kabilang na ang mga dumalo ng misa, maging ang mga naghihintay sa paligid ng simbahan.
Tanghali pa lamang ay halos hindi na rin mahulugang-karayom ang paligid ng Quiapo church kung saan iba’t ibang mukha man ang nakapalibot, iisa naman ang tangang pananampalataya.
Maraming mga deboto ang nagmula pa sa mga malalayong probinsya, mga sa kalsada na malapit sa simbahan nagpalipas ng gabi, at tanging pananampalataya lamang ang dala.
Kaya naman mensahe ng pagdiriwang ng Nazareno ngayong taon ang kahalagahan ng kusa at bukas sa loob na pagsunod at pagtanggap kay Hesus.
Hanggang sa mga oras na ito ay wala pang opisyal na tala ang mga awtoridad sa kabuuang bilang ng mga debotong nakiisa sa Traslacion at Nazareno 2025.
Ngunit hindi sa bilang ng mga deboto ang magiging batayan ng katatagan ng pananampalataya ng mga nananalig sa Hesus Nazareno.