Manila, Philippines — Pansamantalang ipinatigil ng Pasig City Regional Trial Court Branch ang pagpapatupad ng Wage Order, na nagtatakda ng 85 pesos dagdag umento sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Sa Temporary Restraining Order o TRO na inilabas, pinagbigyan ng korte ang petisyon ng Readycon Trading and Construction Corporation at R2 Builders Incorporated, na humiling na ihinto muna ang implementasyon ng wage order.
Ayon sa dalawang construction firms, ang dagdag-sahod ay magdudulot ng malaking karagdagang gastusin sa kanilang operasyon.
Iginiit nilang maaaring humantong ito sa pagbawas ng mga empleyado, pagkalugi, pagsuspinde ng operasyon, o tuluyang pagsasara ng negosyo.
Ayon sa korte na bagama’t kinikilala nito ang karapatan ng mga manggagawa sa makatarungang sahod, nararapat ding isaalang-alang ang karapatan ng mga negosyo sa makatwirang kita at patuloy na paglago.
Dahil dito, pansamantalang ipinagbawal hanggang August 13 ang pagpapatupad ng wage order.
Nakatakda namang dinggin sa korte sa August 3 ang aplikasyon para sa preliminary injunction. — Aliyah Esquillo, Contributor