Manila, Philippines – Ngayong Miyerkules (January 8, 2025) ang bisperas ng selebrasyon ng kapistahan ng Poong Hesus Nazareno, maging ng taunang paggunita ng Traslacion.
Sa lalong paglapit ng araw ng kapistahan ng Poong Hesus Nazareno, mas humaba pa ang pila ng mga debotong nais malapit sa imahen ng poon sa isinasagawang ‘pahalik’ o ‘pagpupugay’ sa Quirino Grandstand.
Simula pa kahapon, hindi na nawalan ng pila ang pahalik para sa poon, at bagaman mabilis lamang ang mismong pahalik, humaba pa rin ang pila rito dahil sa dagsa ng mga deboto.
Mula kagabi hanggang ngayong bisperas ng kapistahan, umabot na ang dulo ng pila sa Roxas Boulevard, kung saan may mga debotong inabot na ng ilang oras sa pila para lamang makahalik sa poon.
Hindi alintana ang pabago-bagong lagay ng panahon, hindi natitinag ang mga deboto sa pila, dahil parte na rin daw ng kanilang panata sa poong Hesus Nazareno ang sakripisyo.
At sa inaasahang pagdagsa pa ng mga deboto sa Quirino Grandstand para sa pahalik, handa naman ang pamunuan ng simbahan at mga awtoridad para rito na naka-full scale alert na sa lugar para masiguro ang maayos at payapang aktibidad, hanggang sa mismong traslacion bukas.
Samantala, nakahanda na rin ang Quiapo Church at hinihintay na lamang ang pagbabalik ng poon sa simbahan, kung saan, wala na ring mga vendors sa paligid na maaaring makaabala sa kapistahan.