PAMPANGA COLLAPSE: SEARCH AND RETRIEVAL OPS SA GUMUHONG GUSALI, IPAGPAPATULOY — SILG REMULLA

Manila, Philippines — Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa pamilya ng mga nawawalang manggagawa ng gumuhong gusali sa Angeles City, Pampanga na magpapatuloy ang operasyon ng search and retrieval team. 

Ito’y sa kabila pa aniya ng delikado at unstable condition ng estruktura. 

Ayon kay Secretary Remulla, nananatili pa rin nakatuon ang lahat ng rescuer na maretrieve ang katawan ng mga biktima nang maiuwi na ng kanilang mga kaanak sa kanilang mga tahanan—ito man ay may buhay o wala nang buhay. 

Sa kabila nito, humingi ng pang-unawa sa publiko ang kalihim para sa kalagayan ng mga rescuer na ginagawa ang kanilang trabaho sa kabila ng sensitibong estado. 

Giit niya na kailangan maging maingat sa paggalaw ng mga rumeresponde, dahil isang maling kilos lamang nito ay posibleng tuluyan gumuho ang gusali. 

Binigyang-diin ni Remulla na ang bawat ahensyang kabahagi sa operasyon ay dapat kumilos nang nagkakaisa upang matiyak ang isang organisado at nakatutok sa pagtulong sa mga apektadong pamilya.

Kasabay nito, ibinalita rin ng kalihim na naghahanda na ang  mga otoridad sa pagkakaso ng kasong kriminal sa may-ari at contractor ng gusali. 

Aniya, natukoy na nila ang identidad ng may-ari at ng contractor habang iniimbestigahan pa rin ng otoridad ang dahilan ng pagguho ng gusali. 

Share this